Naging emosyonal si Super Tekla nang sagutin niya ang mga paratang laban sa kaniya ng ka-live-in na si Michelle Lhor Bana-ag.

Ayon sa komedyante, sensitibong usapin ang kanilang pag-aaway kaya dapat pinag-usapan na lang nila ito sa kanilang pamilya.

“Binabato mo ako ng isyu na pinipilit kita sa ganyang bagay... usapin natin Michelle 'yan, usapin ng pamilya 'yan. Isang napakasensitibong usapin 'yan Michelle,” saad ni Tekla.

"Sana man lang nag-isip ka. Pinag-isipan mo kung ano ang maapektuhan,” dagdag pa niya.

Pinabulaanan din ni Tekla ang alegasyong gumagawa siya ng mga kahalayan sa harap pa mismo ng mga pamangkin ni Michelle, at sinabing hindi niya ito magagawa dahil may mga kamag-anak din siyang babae.

“Hindi totoo ’yan, ako nasa tamang katinuan pa naman ako, hindi ko magagawa ’yan Michelle. Utang na loob may anak akong babae Michelle, si Aira, may mga kapatid akong babae ... Mahirap lang kami Michelle, sa bukid. Alam mo ang background ng family ko,” ani Tekla.

Paliwanag ng comedian, siya pa nga ang nag-a-adjust sa kanilang relasyon.

“Parte ng pagsasama natin ’yan Michelle, na ipinagkakait mo sa akin. Ginagawa mo akong tanga at timawa d’yan, ’yun ang totoo, pero nag-a-adjust ako kasi nanay ka ng anak ko eh,” sabi ni Tekla.

Hindi rin daw nililimot ni Tekla ang pinansyal na tungkulin niya sa kaniyang pamilya.

Dagdag pa ni Tekla, hindi niya pinababayaan ang kanilang anak ni Michelle na si Angelo, na ipinanganak na may anorectal malformation dahil siya pa ang nag-asikaso ng operasyon nito.

"Siya (Michelle) ang hindi pumupunta sa ospital," kuwento ni Tekla. "Ako, kani-kanino ako lumapit ng tulong para mailigtas 'yang batang iyan dahil hindi mo inalagaan iyan sa sinapupunan mo. Alam mo ang kuwento niyan, Michelle," giit ng komedyante.

Muling pinabulaanan ng komedyante na gumagamit siya ng ilegal na droga, at sinabing handa siyang sumailalim sa drug test para patunayan ito.

Sinabi ni Tekla na ikinagulat niya ang mga naging pahayag ni Michelle.

"Di pa nag-si-sink in 'yun sa utak ko na gagawin 'yun sa akin. Unang-una, wala akong kaalam-alam, plinano nilang lahat... kung titingnan mo yung video, wala akong kaalam-alam," saad ni Tekla.

"Michelle, karapatan mo yun, karapatan mo yun, nung una pa lang. Binlock n'yo na ako sa Facebook, wala akong idea nagkalabuan tayo. Gusto mong makipaghiwalay sa akin. Hindi ko pinagsisiksikan yung sarili ko sa inyo Michelle. Alam mo yan sa sarili mo. Alam mo yan, Michelle. Six years. Magsi-six years, anim ko kayong inaruga. Six years, wasted lahat," dagdag ni Tekla.--FRJ, GMA News