Sinagot ni Sanya Lopez ang tanong kung komportable ba siyang maipareha sa mga mas may edad sa kaniyang leading man, tulad ni Gabby Concepcion.

"Okay lang naman, wala namang problema sa akin 'yon. And actually mas nagpapasalamat pa nga ako na talagang binigyan ako ng GMA ng opportunity na naka-partner sila. Kasi before, kung iisipin ko lang kung ano 'yung ako dati na parang... 'Ha talaga ba?'" sabi ni Sanya sa Kapuso Showbiz News.

Dahil nabigyan ng pagkakataon, sinabi ni Sanya na pag-iigihan niya sa kaniyang mga trabaho sa proyekto kasama ang mga beteranong leading man.

"Tapos ngayon pina-partner na ako sa talagang veterans natin... Ang gagawin ko lang is galingan ko talaga, kapag pinartner ako sa mga taong ito dahil alam naman nating mahuhusay sila," anang Kapuso actress.

Pag-amin din ni Sanya, nakakaramdam din siya ng kaba dahil sa mga inaasahan ng tao ngayong siya na ang leading lady ni Gabby.

Si Sanya ang makakatambal ni Gabby Concepcion para Kapuso upcoming rom-com series sa "First Yaya."

"At last, may Yaya na ako. Taping soon. 'My First Yaya' with Sanya Lopez," komento ni Gabby nang malamang si Sanya ang kaniyang "First Yaya."

Ipinaliwanag din ni Sanya na ang mahalaga sa tambalan ay maganda ang chemistry ng mga artista. --Jamil Santos/FRJ, GMA News