Nagkasundo ang mag-asawang sina Max Collins at Pancho Magno na isa lang muna sa kanila ang magtatrabaho. Kaya naman si Pancho muna ang kakayod, habang tutukan ni Max pag-aalaga sa anak nilang si Skye Anakin.

"Nandoon pa siya sa breastfeeding. Ang hirap ding ma-expose... Ang hirap na malayo 'yung mom sa baby," sabi ni Pancho sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.

Hinahangaan ngayon ng marami ang ka-cute-an ni Baby Skye na lalong gumagwapo habang lumalaki dahil nakuha nito ang mga pinakamagagandang features nina Pancho at Max.

"Iba 'yung kagwapuhan din talaga eh. Parang sabi ko nga 'Ang guwapo nito masyado.' 'De joke lang," natatawang sabi ni Pancho tungkol sa kaniyang anak.

"Pero cute lang. Ang cute niya sobra," dagdag ni Pancho.

Samantala, muling magkakasama sina Pancho at Sanya Lopez sa isang episode ng "Magpakailanman" sa Sabado na may kinalaman sa kababalaghan.

Sa naturang episode, nakakakilabot ang nangyari sa babae na ginagampanan ni Sanya, na hango sa tunay na buhay.

Sobrang kumportable na sina Pancho at Sanya sa isa't isa dahil marami na silang proyektong napagsamahan.

Kaya naman maging sa mga eksenang sampalan at sakitan, kabisado na nila ang galawan ng isa't isa.

"Mas open na kami sa lahat ng mga eksena tsaka sa sampalan," sabi ni Pancho.

"'Yung pagtulak niya sa akin noong mga panahon na iyon naramdaman ko 'yung higanti niya roon sa sampal ko talaga eh," natatawa namang kuwento ni Sanya.

Bukod dito, magkasama rin sila sa "First Yaya."

Si Sanya naman, hindi pa alam ang hatian ng schedule niya dahil halos sabay ang lock in taping ng First Yaya at Agimat ng Agila sa Nobyembre.

"Hindi ko na po iniisip 'yung breaktime ngayon kasi iisa lang po 'yung production namin. So sila na lang po ang bahala," sabi ni Sanya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News