Magkatunggali man sa Pinoy adaptation ng “Descendants of the Sun,” magkasangga naman bilang delivery riders sa totoong buhay sina Dingdong Dantes at Neil Ryan Sese.

Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Dingdong na masaya silang nakapag-deliver ni Neil ng seafood sa mga customer.

“Rivals on tv, but tag team (and proud) delivery boys in real life. Happy to have delivered fresh seafood from @k_gseafood with @neilsese today,” caption ni Kapuso Primetime King.

Kasabay nito, nagpaalala rin si Dingdong sa publiko tungkol sa bagyong Ulysses.

“Ingat tayong lahat sa kalsada at paparating na ang bagyo,” ani Dingdong.

Si Dingdong ang gumaganap bilang si Captain Lucas Manalo o “Big Boss,” samantalang si Neil naman ang rebeldeng si Rodel dela Cruz.

Inanunsyo ni Dingdong nitong Hunyo na ilulunsad niya ang “DingDong PH” app kung saan magiging rider ang mga nawalan ng trabaho sa entertainment industry. – Jamil Santos/RC, GMA News