Masayang ikinuwento ni Harlene Bautista ang bago niyang pag-ibig sa anak ni German "Kuya Germs" Moreno na si Federico Moreno.

Sa digital show na "Just In," ipinakita ang isang larawan na magkasama sina Harlene at Federico sa isang restaurant noong Setyembre.

"September 5, first monthsary. Biruin mo 'yun monthsary," pagkuwento ni Harlene.

Ayon kay Harlene, si Federico ang unang nag-post ng kanilang larawan.

Makikita rin ang larawan nila ni Herlene sa Facebook ni Federico.

ADVERTISEMENT

 

 

"Siya 'yung unang nag-post. Sabi ko 'Okay, so sige,'" sabi niya.

Paglilinaw ni Herlene, ito ang nagbigay sa kaniya ng "go-signal" na mag-post din ng larawan nila ni Federico.

"Hindi ako napilitan, kumbaga nagka-go signal ako na mag-post. Kasi ayoko rin naman masyadong post nang post kasi hindi naman siya artista. Hindi naman siya talaga showbiz na showbiz. We all know that he's the son of Kuya Germs pero very private siya talaga," anang aktres.

"Siyempre hindi rin naman maiiwasan, dahil artista ako," dagdag pa niya.

Nirerespeto raw ni Herlene ang pagiging pribadong tao ni Federico.

"Kaya 'yun. Nu'ng nag-post siya, 'Okay, puwede akong mag-post,' parang gano'n. Naghihinay-hinay din ako. Siyempre ako naman, gusto ko post ako nang post, siyempre proud ka, kinikilig ka, 'yung gano'n," sabi niya.

Oktubre 2018 nang maghiwalay sina Herlene at aktor na si Romnick Sarmenta matapos ang 19 taon na pagsasama.--FRJ, GMA News