Ibinahagi ng Kapuso actor na si Gabby Concepcion na naging madamdamin ang  pagkikita nila ng kaniyang anak na si KC kamakailan.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing lumabas sina Gabby at KC para sa late celebration ng kaarawan ng aktor.

“Magkasama kami, kumain kami sa restaurant,” saad ni Gabby. “Naawa ako sa kaniya. Pauwi na kami, ayaw niya ako bitawan, ayaw niya ako pauwiin.”

“Umiyak dahil ayaw ako iwanan. Naawa naman ako,” ayon pa sa aktor.

Sa kabila nito, tiniyak ni Gabby sa anak na puwede silang magkita anumang oras at "just a text message away" lang siya.

Anak ni Gabby si KC kay Sharon Cuneta, na nagkahiwalay at may kaniya-kaniya nang pamilya.

Samantala, naghahanda na rin si Gabby sa lock-in taping niya para sa Kapuso series na “First Yaya,” katambal si Sanya Lopez.

Excited na raw ang aktor sa proyekto lalo pa't unang pagkakataon niyang makikita at makakatrabaho si Sanya.--FRJ, GMA News