Bukod sa galing niya sa pag-arte, kapansin-pansin din ang kagandahan ni Jillian Ward kaya naman isa siya sa mga promising Kapuso star. Paano naman kaya niya hina-handle ang pagkakaroon niya ng naparaming follower sa social media?

"Hindi po ako nag-e-expect talaga pagdating sa career ko po. Ine-expect ko lang po is lagi kong gagalingan, pero hindi ko po ine-expect 'yung gaano po kadami 'yung followers na mage-gain ko or ano po 'yung magiging ratings namin," saad ni Jillian sa Kapuso Showbiz News.

Para kay Jillian, "surprises" sa kaniya ng Maykapal ang mga natatamasa niyang tagumpay, mapasarili man o sa kanilang show na "Prima Donnas."

"Lagi po akong nagugulat. And actually gusto ko po 'yon about me kasi hindi ko po tine-take 'yung mga success po namin sa show or as an individual po. Yung mga success na ibinibigay sa amin ni Lord hindi ko po 'yun tine-take for granted. Kumbaga lagi po akong nasha-shocked," saad niya.

"Ngayon po na ang dami ko pong nage-gain na followers, nasha-shock din po talaga ako na ang bilis po talagang dumagdag. Hindi ko po ine-expect and sobrang saya ko lang po talaga," dagdag ng teen actress.

Gayunman, hindi rin maiiwasan na may mga pumupuna kay Jillian, at inuunawa daw niya ang mga ito.

"Minsan po kahit 'yung mga sobrang liliit po na bagay na parang ako hindi ko po alam na mali po siya, ang dami pong nagko-correct sa akin. Although naman po ngayon, dati po kasi more on talagang nagagalit 'yung mga tao. Ngayon mas understanding na po 'yung mga tao lalo na po sa mga minors din," sabi niya.

Sa halip na magalit, tinatanggap ni Jillian ang mga "pagtuwid" sa kaniya ng ibang mga tao kaya iniisip niya rin kung makakabuti ang kaniyang ipo-post.

"So think before you click kasi nga po hindi lang po 'yung ikaw 'yung makakakuha ng backlash eh, kumbaga ang dami mo rin pong nai-inspire na mga tao, kumbaga po, marami po akong followers na mga bata so mine-make sure ko po na safe po 'yung mga pino-post ko po. Hindi lang po dahil 'yun po 'yung morals ko, iniisip ko rin po 'yung ibang tao kung okay po ba 'yun sa kanila, kung nakakatulong po ba ako," paliwanag ni Jillian.--FRJ, GMA News