Maituturing na "miracle baby" ni Assunta de Rossi ang bagong silang nilang anak ni Jules Ledesma na si Baby Fiore, matapos silang sumubok sa iba pang paraan ng pagbubuntis tulad ng in vitro fertilization pero hindi nagtagumpay. Kaya emosyonal ang aktres sa pagbibigay niya ng mensahe sa kaniyang anak.

Sa "Chika Minute" report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing inakala ni Assunta na kakayanin niya ang puyatan para sa pag-aalaga kay Baby Fiore dahil sanay na siya sa mga magdamagang mga taping.

"It was a bit shocking at first. 'Wow ganito pala 'yan!' But rewarding naman. I see life when I see my baby. Nakakatuwa rin naman and also because she hasn't given us any problems. She's healthy naman," sabi ni Assunta.

Halos dalawang dekadang hinintay nina Assunta at ng asawa niyang dating congressman ang magkaroon ng anak.

Sumubok sila sa in-vitro fertilization pero hindi nagtagumpay, kaya laking nagulat ng mag-asawa nang mabuntis si Assunta sa natural na pamamaraan.

"'Yung feeling mo nawawalan ka rin ng time. Kasi siyempre 37 na ako eh. Ano pa ba, maghahabol pa ba ako? What else do I have to do? Mag-a-abroad na ba kami tapos kukuha na lang kami ng surrogate? Kasi gusto talaga namin biological eh.'"

Inihayag ni Assunta kung sino ang kamukha ng kanilang baby na si Giulia Fiorentina Alessandra o Fiore.

"I think mixed siya eh. Mas prominent 'yung features ng dad. Ewan ko, baka pinaglihian ko siya. Sometimes kapag nagbabasa ako ng comments sa Instagram, sinasabi nila 'Ah kamukha ng tita, si Alex!' Sabi ko 'Oo nga, may hawig nga rin siya sa bunso kong kapatid, si Isabel who also looks like me din," sabi ni Assunta.

Pinaplano ng mag-asawa na dalhin si Fiore sa kanilang tahanan sa San Carlos City.

"We're planning to spend Christmas there. Si Fiore naman puwede naman ibiyahe that time kasi two months old na siya noon. At saka sabi ng pedia niya basta makumpleto 'yung immunization shots."

Kaya sa pagbibigay niya ng mensahe sa kanilang "miracle baby," hindi naiwasang maging emosyonal ni Assunta.

"I hope she knows how much we wanted her. Sana huwag siyang lalaking matigas ang ulo, sana huwag siyang lalaking maldita o pasaway. I really did promise God that I really love her and I will raise her to be God-fearing. Nu'ng nag-one month siya I was so, so emotional kasi hindi ako makapaniwala talagang nanggaling siya sa akin," sabi niya.

"And I just love her. Mahal na mahal namin siyang lahat. Iba 'yung happiness na nadala niya," dagdag ni Assunta. – Jamil Santos/RC, GMA News