Kahit single ngayong darating na Pasko, sinabi ni Andrea Torres na hindi maapektuhan ang mga plano niya upang ipagdiwang ito.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Andrea na ang kaniyang pamilya ang kasama niyang magdiriwang ngayong Pasko tulad ng nakaugalingan na nila.

Kamakailan lang ay inamin nina Andrea at Derek Ramsay ang kanilang paghihiwalay.

"Magiging memorable po siya dahil ang dami nating pinagdaanan this year. So feeling ko mas mabigat yung dating sa atin sa pag-celebrate talaga ng Christmas," ayon sa aktres.

ADVERTISEMENT

At ang kaniyang tanging hiling sa Pasko.

"Gusto ko lang talaga maging healthy yung family ko and magsama-sama na kaming lahat," saad niya.

Masaya rin si Andrea sa sunod-sunod na projects na kaniyang ginagawa ngayon.

Sa darating na Sabado, mapapanood si Andrea sa "Magpakailanman" kung saan gagampanan niya ang karakter ng isang misis na nambubugbog ng asawa.

Hindi raw inakala ni Andrea na mayroon mga maybahay na sila ang nananakit ng kanilang mister.

Kasama ni Andrea sa naturang episode si Juancho Trivino, na gaganap na mister niya, at si Angela Alarcon.

Bukod sa "Magpakailanman," magisismula na rin si Andrea sa  lock-in taping para sa upcoming primetime Kapuso series na "Legal Wives."--FRJ, GMA News