Hindi magiging malamig ang Pasko ngayon ni Jackie Rice dahil sa bago niyang lovelife na umusbong sa panahon ng COVID-19 pandemic.

At dahil sinagot niya ang kaniyang nobyo ngayong panahon ng pandemya, "pandemic boyfriend" ang tawag dito ni Jackie, ayon sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes.

May plano na raw sina Jackie at ang kaniyang boyfriend ngayong darating na Pasko.

ADVERTISEMENT

"With the family and pandemic boyfriend. Bahay lang, siyempre, 'yun naman ang time natin with out loved ones eh," sabi ni Jackie.

Samantala, makakasama ni Jackie si Rodjun Cruz sa isang episode ng "Wish Ko Lang," at na-miss nila parehong umarte.

"Well nu'ng lockdown ang ginawa ko lang 'yung mga lumang script ko binabasa ko ulit siya. Buti tinago ko. Sobrang na-miss kong umarte, before mag-taping as in basa ako talaga agad ng script, wala pa hinihingi ko na sa e-mail ko," sabi ni Jackie.

Ayon naman kay Rodjun, "Simula ng pandemic, ngayon lang ulit ako bumalik sa pag-arte. Iba 'yung feeling, sa umpisa naninibago ulit ako, ine-enjoy ko 'yung bawat moment kasi na-miss ko po talaga."

Huling nagkasama sina Rodjun at Jackie sa "Hindi Ko Kayang Iwan Ka" noong 2018 kaya relaxed na sila sa isa't isa.

Makakasama rin nina Jackie at Rodjun si Andrea del Rosario.--Jamil Santos/FRJ, GMA News