Ngayong 2021, inilahad ni Kiray Celis ang kaniyang New Year's Resolution, na halos 20 taon na raw niyang pinaplano pero hindi pa rin niya natutupad.

Sa isang video ng GMA Network, sinabi ni Kiray na goal niya ngayong Bagong Taon ang bumalik na sa trabaho at mas kumayod pa, dahil nasulit na niya ang kaniyang oras sa pamilya nitong 2020.

"Magtrabaho nang sobra, kasi napasobra ang family time ko ngayong 2020, so feeling ko super kayod this 2021," sabi ni Kiray.

Bukod dito, gusto niya ring i-push at i-improve pa ang kaniyang dancing skills.

"Hindi ko alam kung paano ko sasagutin itong tanong na ito, pero mas aayusin ko ang pagsasayaw ko. Feeling ko mas ipu-pursue ko 'yung sayaw-sayaw since alam niyo na, lagi tayong sumasayaw nowadays 'pag bored," ani Kiray.

"So feeling ko kailangan ko pang i-motivate pa ang sarili ko para mag-work hard for mga dance," dagdag niya.

Nananatili pa ring pareho ang kaniyang New Year's Resolution sa kaniyang mga nakaraang New Year's Resolution.

"Actually every year na lang tinatanong ako kung ano ang New Year's Resolution ko, pero hanggang ngayon hindi ko pa rin natutupad, at isa lang 'yung lagi kong sinasagot, 'yung mag-diet at mag-workout ako. Pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin siya magawa," sabi ni Kiray.

"So hanggang ngayon, siguro mga 20 years ko na siyang New Year's Resolution, hanggang ngayon hindi pa rin natutupad. So 'yun pa rin, mag-diet at mag-workout this 2021," dagdag ng Kapuso comedianne.--FRJ, GMA News