Sa pagbabalik ng fresh episodes ng "Magkaagaw," inaasahan ang mga bagong banggaan ng mga karakter nina Jeric Gonzales, Klea Pineda at Sheryl Cruz.

Sa panayam ng GMA Regional TV Live, inihayag ng host na marami ang nakapansin ng magandang samahan at chemistry nina Jeric at Klea sa serye.

Paliwanag naman ng dalawa, bago pa man magsimula ang serye ay nag-usap na sila na magtutulungan para na rin sa ikagaganda ng proyekto at sa kanilang career.

Tinanong naman si Jeric kung ano ang mga katangian na gusto niya kay Klea.
"Madami siyempre," anang binata. "Bukod sa maganda, matangkad, yung color niya morena, napaka-sweet ni Klea."

ADVERTISEMENT

Inilarawan din ni Jeric na open minded na tao si Klea.

"Kumbaga marami kayong puwedeng pagkasunduan, marami kayong puwedeng pag-usapan, interesting, napa-professional of course. Makikita ko yung determination and fire niya dito sa ginagawa namin," patuloy ng aktor.

Si Klea naman, sinabing sweet din na tao si Jeric.

"Tama siya, marami kaming napagkakasunduan, mapalaro man yan sa video games, simpleng bagay na ganun. Motorbikes, talagang nag-uusap kami," ayon kay Klea.

May mensahe din ang dalawa para sa mga tao ngayong panahon na may krisis. Panoorin ang buong video.

--FRJ, GMA News