Sa programang "Mars Pa More," ipinakita ni Andrea del Rosario ang kaniyang farm house sa Batangas, na nagsilbi nilang libangan ngayong COVID-19 pandemic.

Bukod sa pag-aalaga ng mga manok, pinagkakaabalahan din ng dating Viva Hot Babes member ang pagtatanim at pag-train sa kaniyang mga aso na Belgian Malinois.

Dahil nasa probinsiya, hamon minsan sa anak ni Andrea na si Bea ang pagkakaroon ng internet connection kaya madalas silang lumalabas at pumupunta sa kanilang rueda.

Sa kabila ng lockdown, natututukan pa rin ng fiancé ni Andrea na si Anthony Garcia ang pagiging player nito ng polo.

"Just being able to connect with my family once again. Before I didn't use to do that. And then marami ring broken relationships that was mended," sabi ni Andrea, na dati ring naging vice mayor ng Calatagan, Batangas.

"Streamlined life. Simplified life," dagdag pa niya.

Bukod sa pag-bake ng keto bread, pinagkakaabalahan din ni Andrea ang pag-refurbish ng mga lumang furniture at pagpipinta.

Muli raw nag-enroll sa isang painting class si Andrea para muling masimulan ang kaniyang hobby.

"During those times, talagang kung ano 'yung puwede kong magawa, makalikot... I painted. I took up Fine Arts in college pero hindi ko siya na-practice. Naging artista rin kasi ako but doon ko nasimulan ulit, I got a canvass, painted," kuwento niya. – Jamil Santos/RC, GMA News