Timeout muna bilang boss na si Jaime Claveria sa "Prima Donnas " si Wendell Ramos para gampanan ang real-life duties niya sa pamilya bilang ama at mamalengke sa talipapa ng Parañaque.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing si Wendell ang naging "alay" sa pamilya para mamalengke ng mga iluluto sa bahay.

Dahil sanay naman daw sa palengke si Wendell noong bata, hindi niya na alintana ang init sa lugar.

At kahit naka-face mask at face shield na may kulay, namukhaan pa rin siya ng mga tindera.

ADVERTISEMENT

Ang aktor ang mismong namili ng isda, hipon at karne, pati na rin mga gulay.

"Discounted daw basta magpa-picture. Ayan na narinig ni mommy," biro ni Wendell sa mga tindera.

Sabi pa ni Wendell, galit ang mga rindera sa karakter ni Aiko Melendez sa "Prima Donnas" na si Kendra.

"Malamang 'pag si Aiko ang nagpunta dito walang tawad-tawad 'yun," sabi ni Wendell.

Sinamantala na rin ni Wendell ang pagkakataon nang marinig niyang bagsak-presyo ang sili para mamakyaw.

Sinubukan na rin niya ang pag-debone ng isda.

"Hindi naman ganoon kadali, pero madaling aralin. Nakaka-proud," sabi ni Wendell.--Jamil Santos/FRJ, GMA News