Magsasama-sama sina Jose Manalo, Derrick Monasterio at Kakai Bautista bilang hosts ng bagong Kapuso reality show na "Catch Me Out Philippines," tampok sa programa ang mga pangkaraniwang tao na aakalaing professionals kung mag-perform ng kanilang talento.

"Ito 'yung mga taong nangangarap na maging ganito sila pagdating ng oras at pinili sila. Hindi lang 'yung talent nila ang ginamit nila, nag-train talaga sila ng mga ilang buwan na ang dumadaan, during quarantine pa lang nagte-train na sila," sabi ni Jose sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras."

"Ang maganda dito sa show na 'to sobrang may puso siya saka makamasa siya kasi binibigyan nga namin ng chance 'yung mga normal na tao na nakikita natin sa labas na ipakita kung anong meron sila, 'yung talento nila," ayon naman kay Derrick.

"Everything na you can think of na puwedeng gawin ng isang tao like 'yung clown o pagkanta o pagsayaw, or anything na puwedeng talent na maisip mo. Or 'yung mga ginagawa ng entertainers at puwedeng gawin dito sa "Catch Me Out," sabi naman ni Kakai.

Base sa mechanics ng show, ipakikita ng contestants ang galawan nilang professional, samantalang huhulaan ng mga manonood at guest celebrities kung sino sa mga kalahok ang hindi talaga professional.

Nag-click naman agad sina Jose, Derrick at Kakai sa kanilang pagho-host ng Catch Me Out.

"Off cam para na kaming mga matagal na magkakilala eh, 'yun nga 'yung kagandahan dito at saka sana hopefully makita ng mga tao 'yung bond namin," ani Derrick.

"I think this will be a very refreshing experience... Ito kasi 'yung first time that I am one of the leads of the show so napakabago nito sa akin and sobrang nakaka-positive pag-iisip," sabi ni Kakai.

"Sa Bulaga, kasama ko 'JoWaPao,' pero itong dalawa na ito, parang 'yun din ang kasama ko, hindi ko alam kung sino si Wally at sino si Pao sa kanilang dalawa. Pero napakagaling i-drive nitong dalawa na ito, parehong magaling," ayon naman kay Jose.

Mapapanood ang Catch Me Out Philippines sa GMA simula Pebrero 6 ng gabi. —LBG, GMA News