Inanunsyo ni Vaness del Moral na isang baby girl ang kaniyang ipinagbubuntis.

Sa kaniyang vlog nitong Huwebes, ibinahagi ni Vaness ang isinagawa nilang gender reveal party ng asawang si Matt Kier para sa kanilang anak.

Kuwento ni Vaness, boy ang hula niya noong una sa kaniyang magiging anak, pero tila nagbago ang kaniyang isip dahil maraming bumoto sa kanilang mga kaanak ng girl.

Ngunit nang muling magsagawa ng botohan sa Zoom, nag-tie muli ang kani-kanilang mga pamilya kung sa boy ba o sa girl. Ang ina ni Vaness, personal na bumoto na sana maging boy ang anak ng aktres.

Nang putukin na ang lobo, lumantad ang isang papel na nagsasaad na girl ang anak nina Vaness at Matt.

Hiniwa rin ni Matt ang gender reveal cake, at lumantad ang kulay pink na filling, na nangangahulugan ng girl.

Inanunsyo ni Vaness noong Oktubre na nagdadalantao siya.

Nagpakasal sina Vaness at Matt noong Pebrero 2018. – Jamil Santos/RC, GMA News