Mabilis na "Yes!" ang naging sagot ni Barbie Forteza nang tanungin siya sa "The Boobay and Tekla Show" kung si Jak Roberto na ba ang lalaking pakakasalan niya. Pero sino naman ang aktor na kaniyang binasted noon at ang aktor na dating crush niya?

Sa segment ng "TBATS" na "May Pa-Presscon," sinabi ni Barbie na simpleng garden wedding na pangarap niya kapag ikinasal.

Hindi raw niya gusto ang magarbong kasal at nais niyang kasama sa espesyal na okasyon ang kaniyang pamilya at mga malalapit na kaibigan.

Tungkol sa bilang ng magiging anak, gusto ni Barbie na dalawa lang dahil baka magtayo na raw siya ng eskwelahan kapag humigit pa roon.

Ayaw naman daw niya na isang anak lang dahil baka malungkot ang kaniyang magiging anak.

Inihayag din ng aktres ang mga katangian ni Jak na wala sa ibang lalaki tulad ng mahaba ang pasensiya at magaling umarte.

Kasabay nito, sinabi rin ni Barbie kung sino ang Kapuso actor na nanligaw sa kaniya pero binasted niya at ipinaliwanag niya kung bakit.

Isiniwalat din niya ang Kapuso actor na crush niya noon pero hindi naman siya niligawan na pabiro niyang sinabi na posibleng karma niya dahil sa pagbasted niya sa isang aktor.

Panoorin ang video kung sino ang mga aktor na tinutukoy ni Barbie.


--FRJ, GMA News