Sa kauna-unahang pagkakataon, mapapanood si Nora Aunor bilang kontrabida sa pelikula.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing "Kontrabida" ang magiging titulo ng bagong pelikula ng tinaguriang "Superstar."

Ito raw ang unang pagkakataon na gaganap si Nora na kontrabida sa 50 taon niya sa movie industry, at itinuturing niya itong malaking pagsubok sa kaniyang trabaho.

Dagdag pa ni Ate Guy, tribute niya na rin ang pelikula sa mga kapwa niya artista na madalas na gumaganap sa mga proyekto bilang kontrabida.

Sa direksiyon ni Adolf Alix Jr., makakasama ni Nora sa pelikula ang mga batikang artista na sina Gina Alajar, Jaclyn Jose, Rosanna Roces at Bembol Roco.

Bukod sa kakaibang role sa pelikula, papasukin na rin ni Ate Guy ang vlogging.

"Gusto kong magkaroon ng pamamaraan na makausap 'yung fans, mga Noranians sa mundo, so pumayag ako magkaroon ng [channel]," ayon sa batikang aktres.—FRJ, GMA News