Isa nang senior citizen si Kuya Willie Revillame na nagdiwang ng kaniyang ika-60 kaarawan nitong Miyerkoles, Enero 27.

Sinorpresa si Kuya Wil ng kaniyang "Wowowin" family nang ihatid sa kaniya ang isang napakalaking replika ng senior citizen ID.

Biro ng kaniyang co-hosts na sina Sam Verzosa at Michele Gumabao, malaking discount na 50% hanggang 200% ang kaniyang makukuha dahil sa laki ng kaniyang card.

At dahil malaki ang kaniyang card, pumirma rin si Kuya Wil gamit ang malaking ballpen.

Sumunod nito, niregaluhan din si Kuya Wil ng cake na may disenyo ring senior citizen ID.

Pinasalamatan naman ng Wowowin host ang pamunuan ng Quezon City sa pagbibigay sa kaniya ng senior citizen ID.

Sa selebrasyon ng kaniyang kaarawan, hindi napigilan ng TV host na maiyak.--FRJ, GMA News