Dahil bawal ang mga bata na magpunta sa mga parke ngayong COVID-19 pandemic, gumawa ng paraan si Paolo Contis na magkaroon ng sarili "mini park" ang anak  na si Baby Summer sa garahe ng kanilang bahay.

Sa kaniyang vlog, inilahad ni Paolo na Christmas gift niya kay Summer ang ginawa niyang pag-transform ng kanilang garahe bilang indoor playground.

ADVERTISEMENT

Dati na raw naglalaro sa garahe si Summer pero hindi maituturing safe ang lugar para kay Summer na nasusugatan kapag nadapa.

Kaya naman dinisenyuhan ni Paolo ang playground na may artificial grass para maprotektahan ang bata.

Sinamahan din ni Paolo ng seesaw, playhouse, slide climbers, at kabayo-kabayuhan ang playground para sa kaniyang anak.

"Nu'ng pandemic siyempre itong mga bata hindi na sila makalabas, isa sa mga nawala sa kanila ay ang pagpunta sa park," sabi ni Paolo.

"Naisip ko na kung si Summer ay hindi makapunta sa park, might as well bring the park inside our home," anang Kapuso actor.

Ilang araw din daw na hindi nila inilabas sa garahe si Summer habang ginagawa ang playground bilang sorpresa.

At nang makita ang pinaghirapan ng ama, laking tuwa ni Summer at excited na maglaro sa kaniyang indoor playground.--Jamil Santos/FRJ, GMA News