Masayang ibinahagi ni Iya Villania na hindi niya itinago noon sa kaniyang mister na si Drew Arellano na crush niya ito dahil ginagawa na siyang "sister."

Sa isang segment ng programang "Mars Pa More," aawitin ng mga host na sina Iya at Camille Prats, at mga guest na sina Jeremiah Tiangco at Golden Cañedo, ang nababagay na kanta sa taong matatapat sa kanila.

Secret crush ang natapat kay Iya at inawit niya ang kantang "Weak."

Matapos ang pagkanta, ikinuwento ni Iya na hindi naman talaga secret ang pagkakaroon niya ng crush kay Drew na naging mister niya.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Iya, kinailangan niyang iparamdam noon kay Drew na may gusto siya rito dahil ginawa na siyang "sister."

"Sinisister-sister niya na 'ko eh. Ayokong papunta lang sa sister," natatawang kuwento ni Iya.

"Sinisister-sister na lang ako sa text. Sabi ko, 'Anong sis? I'm not your sis!' Kasi ayoko lang maging sis," patuloy pa niya.

Sa panayam noon kay Iya, ikinuwento niya na mayroon silang isang kaibigan na may gusto sa kaniya at si Drew ang nagsisilbing tulay para maligawan siya.

Pero nang panahon na iyon, si Drew na ang gusto ni Iya.

Nagkabistuhan lang sila ng kanilang damdamin nang mag-usap ang dalawa at aminin ang nararamdaman nila sa isa't isa. --FRJ, GMA News