Dumulog sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga "Sexbomb" members na sina Aira Bermudez, Grace Nera at Jopay Paguia, para matukoy ang nagpapakilalang "fan" na nanggugulo sa kanila.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, inihayag ng mga miyembro ng Sexbomb dance group na may nanggugulo sa kanila sa social media na pinaniniwalaan nilang gumagamit ng iba't ibang accounts.

“Lumapit kami sa NBI para lang ‘yong mga fake accounts na ginagawa, malaman natin kung sa kaniya nanggagaling lahat kasi sobra na ‘yong ginagawa niya eh like may koneksyon na sa family namin,” ani Aira.

Mayroon umanong nagpapakilalang handang ituro kung sino raw ang nanggugulo sa kanila pero may hinihinging kapalit.

Hinala nila, iisang tao rin lang ang nanggugulo at nagpapanggap na tutulong sa kanila.

May gumagamit din umano sa kanilang pangalan para sa online transaction at umo-order ng cash on delivery at sa address nila ipadadala.

“Kung sa tingin mo nalilinlang mo kami, naloloko mo kami, napapaikot mo kami, ang batas hindi mo mapapaikot ‘yan. Mahuhuli’t mahuhuli ka,” ani Jopay. --FRJ, GMA News