Ipinakilala na kung sino ang gaganap bilang sina Mark, Big Bert at Little Jon sa inaabangang Kapuso live-action series na Voltes V Legacy.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing ang StarStruck Season 7 Avenger na si Radson Flores, ang gaganap bilang si Mark, ang piloto ng Volt Bomber na nagiging braso ni Voltes V.

Ayon kay Radson, karakter ni Prince Zardos ang kaniyang pinaghandaan sa audition kaya laking gulat niya nang ibigay sa kaniya ang role ni Mark.

"Sabi ko, 'Oh no iyong pinag-practice ko si Zardos.' So nag-practice ulit ako ng bagong script at memorize ulit ako," ani Radson. "Sobrang grateful ako na ako gaganap na Mark."

Bilang paghahanda sa kaniyang role, sumasailalim siya sa training sa bakbakan at maging sa pagkakabayo.

Samantala, ang singer-actor na si Matt Lozano, ang napili bilang si Robert Armstrong o Big Bert, ang piloto ng Volt Panser, ang magiging katawan ni Voltes V.

"Si Big Bert sobrang masayahing tao pero at the back of his mind nandoon ang lungkot dahil alam naman ng Voltes V fans na ang Armstrong brothers ay malungkot dahil sa pagkawala ng daddy nila," saad niya.

"Pareho kami na kahit na nalulungkot gumagawa ng way para mapasaya hindi lang ako kung 'di nakapaligid sa akin," dagdag niya.

Bago mag-audition, kumuha raw si Matt ng isang grand master sa arnis para turuan siya. Ngayon, nagpapaturo naman siya sa paggamit ng long stick na paboritong armas ni Big Bert.

Ang pinakabata sa grupo na si Little Jon ay gagampanan ng batang Kapuso actor na si Raphael Landicho.

"Ngayon po hindi po ako makapaniwala nakuha po ako na isa po ako sa mga cast ng Voltes V. Excited na po ako makita 'yung Camp Big Falcon at ships na malalaki gustong gusto ko po makita," masayang sabi ni Raphael.

Si Little Jon ang piloto ng Volt Frigate na naging binti ni Voltes V.

Abangan ang iba pang mapapabilang sa Voltes V tulad nina Steve Armstrong, Jamie Robinson, at Prince Zardos --FRJ, GMA News