Sa programang "Mars Pa More," pinagpaliwanag ng mga host na sina Camille Prats at Iya Villania ang Kapuso actor na si Ruru Madrid tungkol sa ilang larawan at video na ipinost niya kasama ang rumored girlfriend na si Bianca Umali.

Sa isang larawan na magkasama sila ni Bianca na tila nasa isang pasyalan, nilagyan ito ni Ruru ng caption na: "Miss you each day, every day, all the time."

Kaya naman hiningan nina Camille at Iya ng paliwanag si Ruru tungkol sa naturang caption.

"I think yong pagiging siya," saad ni Ruru kung ano ang nami-miss kay Bianca.

"Yung siya mismo. I mean yung kabuuan niya nami-miss ko talaga 'yon," patuloy ng aktor, sabay paliwanag na walang partikular na bagay o ginagawa basta nami-miss niya ang si Bianca.

Kuwento ni Ruru, bibida sa upcoming action series na "Lolong", na dalawang buwan ang pinakamatagal na hindi niya nakita si Bianca, na kabilang naman sa bida sa upcoming series na "Legal Wives."

Bagaman nakakapag-usap at nakikita nila ang isa't isa sa video call, sinabi ni Ruru na iba pa rin ang personal na magkasama.

Samantala, ipinaliwanag din ni Ruru ang video post niya na kasama niya Bianca na nagjo-jogging habang umuulan.

Ayon sa aktor, ginawa nila ang mag-jogging dahil kailangan pa rin nilang alagaan ang kanilang katawan kahit walang masyadong trabaho noon at ang kapatid daw niyang si Rere ang kumuha ng video.

Sa kabila ng mga larawan na magkasama at sweet na mga mensahe sa social media sa isa't isa, wala pang opisyal na pahayag sina Ruru at Bianca sa estado ng kanilang relasyon.

Pero bakit naman nag-post ng larawan si Ruru na kitang-kita ang mala-maskulado niyang katawan? Panoorin ang paliwanag ng aktor sa video na ito ng "Mars Pa More."

--FRJ, GMA News