Magkaibigan daw muna sa ngayon sina Jelai Andres at Jon Gutierrez o King Badger ng Ex Battalion, matapos silang maghiwalay.

"Kami ni Jon okay naman, happy ako kasi akala ko noon, wala na kasi parang kinalimutan ko... dumating sa point na wala na 'yung tagal naming hindi nag-uusap, hindi ko na siya pinapansin, kinalimutan ko na talaga siya, halos lagpas isang taon," sabi ni Jelai sa Mornings with GMA Regional TV.

Unti-unti naman daw umayos ang kanilang sitwasyon matapos ang kanilang break-up.

"But nitong dumating 'yung 2019, nagsisimula na ulit na nagpapansinan kami hanggang sa naging magkaibigan kami. Ngayon very casual kami and hindi rin naman siya tumitigil na ayusin. Sa ngayon friends kami and okay naman, siyempre masaya kasi paunti-unting nagiging maayos," saad ng internet star.

"Malay natin, hindi natin alam kung anong puwedeng mga susunod na mangyari," dagdag niya.

Nakilala at sumikat sina Jelai at Jon dahil sa loveteam nila na "JoLai," na kinaaliwan at kinakiligan ng netizens maging sa bagong Kapuso series na "Owe My Love."

"Nag-start 'yung aking YouTube channel sa pagva-vlog ay lagpas na ng isang taon noong 2019... Kasi dati nag-start 'yun na mahilig lang talaga kaming mag-video ni Jon," pagbalik-tanaw ni Jelai.

"Si Jon talaga 'yung mahilig mag-video, gustong gusto lang niya akong video-han na wala pang content, random lang, ilalabas niya 'yung camera niya, ivi-video niya ako kasi natatawa siya dahil medyo naeengotan siya sa akin, o meron akong ginawa na nakakatawa or ang daldal ko tapos bigla niyang ipo-post," ayon pa kay Jelai.

Sinimulan nina Jelai at Jon ang kanilang YouTube channel kasabay na ng pagkauso ng vlogging.

"Hindi naman namin akalain na nakaka-relate 'yung mga tao. Tapos nu'ng nauso na 'yung vlogging, nag-try lang ako kasi pinush ako ng friends ko na 'Sige na, mag-try ka lang mag-YouTube.'"--FRJ, GMA News