Tinapos na ng magkaibigang Aiko Melendez at Maricar de Mesa ang naging hidwaan nila na dahilan para hindi sila mag-usap sa nakalipas na anim na taon.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing naganap ang kanilang pagbabati nang maging guest ang dalawa sa bagong episode ng "Tadhana."

Nang tanungin kung ano ang pakiramdam sa una nilang pagkikita sa set, sabi ni Maricar: "Natural lang. Parang dati pa rin siya."

ADVERTISEMENT

 

 

Kuwento pa ni Maricar, "Sabi niya, 'Mare.' Gumanon siya agad. Kasi kinalabit ko siya nakatalikod. Parang ano lang ang gaang, parang nagkaintindihan kami na tapos na.  That's it. Parang nag-heal lahat."

Sinabi naman ni Aiko, na hindi na nila pinag-usapan ni Maricar ang detalye ng mga nangyari sa kanila.

"Siguro ganun talaga kapag real friends, wala nang usapan kung ano yung pinagkasamaan niyo ng loob. Basta ang importante maayos kayo," ani Aiko.

"I think it's God's way of patching things up," dagdag pa niya.--FRJ, GMA News