Kilala sa kaniyang pagiging primera kontrabida sa telebisyon, inilahad ni Princess Punzalan ang ilan sa mga pinaka-ayaw niyang gawain ng ilan sa mga baguhan o mas batang artista. Kabilang na dito ang paggamit ng telepono kahit simula na ng trabaho.

"Ang isang napansin ko, 'pag nasa set, huwag nang magtelepono. Huwag nang mag-text. 'Pagka nagri-reading na huwag kang gumamit ng telepono 'no?" sabi ni Princess kay Paolo Contis na host ng online show na "Just In."

"I mean, nasa trabaho ka para magtrabaho, hindi para maki-chika at social media. My gosh!," dagdag pa ng aktres.

Para kay Princess, mahalaga ang oras kaya hindi ito dapat sayangin.

"At saka 'pag sinabi ng assistant director, sinabi ng PA, 'Bihis na,' bihis na. Huwag nang chika-chika masyado ever 'no? Oh my gosh, sayang ang oras!"

"Huwag nang magkuwentuhan dahil hindi tayo binabayaran para magkuwentuhan at saka masyadong... chenes!" dagdag ni Princess.

Isa na ngayong nurse sa Amerika, ipinagpapatuloy pa rin ni Princess na abutin ang kaniyang Hollywood dream.

Kabilang si Princess sa pelikulang "Yellow Rose" na idinirek ng Filipino-American na si Diane Paragas, kung saan kasama niya rin si Lea Salonga.

Ang "Yellow Rose" ay tungkol kay Rose Garcia, isang undocumented na 17-anyos na Pilipina na nangarap na iwan ang tahanan niya sa Texas para tuparin ang kaniyang pangarap sa country music. Pero naudlot ito nang dakipin ang kaniyang ina ng Immigration and Customs Enforcement.--FRJ, GMA News