Sumuko na ang rider na suspek sa pagpatay sa dating close-in security aide ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ngayong Martes. Nangyari ang pagsuko, isang araw matapos mag-alok ang alkalde sa suspek na bibigyan ng P500,000 kapalit ng pagtulong para madakip ang bumaril mismo sa biktima.
Sa ulat ni Tuesday Niu sa Super Radyo dzBB, iniharap ni Moreno ang suspek na si alias “Biboy” sa media sa Facebook Live broadcast ng “Talk to the People.”
Ayon kay Biboy, hindi niya alam na papatayin ng kaniyang kasamang suspek ang biktima na si George Capistrano, 56-anyos, na isang retiradong pulis.
Idinagdag niya na wala siyang baril at nagmaneho lang siya ng motorsiklo sa ginawang pagharang sa biktima na sakay din ng motorsiklo.
“Driver lang naman po ako. Wala naman po akong alam na papatayin niya eh. Pagbaba niya, binaril niya agad, siya lang po ‘yung may dala,” ayon sa suspek.
Binaril at napatay si Capistrano nitong Linggo ng madaling araw sa Barangay 134 sa Balut, Tondo.
Sa kuha ng CCTV camera, nakita na hinarang ng mga suspek ang biktima at binaril ng isang suspek. Kinuha nila ang alahas ng biktima bago tumakas.
Nitong Lunes, inalok ni Moreno sa Facebook live broadcast ang suspek na rider, at mga kamag-anak nito na sumuko kapalit ng P500,000. Tutulungan din umano ang suspek na makapasok sa Witness Protection Program (WPP) kung tutulong para madakip ang gunman at iba pang kasama sa grupo na sangkot umano sa iba pang kaso ng robbery-holdup sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan.
“Ngayon, as you can see, meron na po tayong development. Sumuko na po ‘yung isa sa mga suspek, at nagbibigay na siya ng mahalagang impormasyon para matukoy ang iba pang sangkot sa krimen,” sabi ni Domagoso sa FB live broadcast.
“We are halfway of giving justice to the victims, at sisikapin naming mahanap pa ang iba pang miyembro ng grupong ito para tuluyan nang maresolba ang kaso,” dagdag niya.
Pagtiyak ni Moreno sa hinahanap na gunman na tukoy na ang pagkakakilanlan, at iba pang kasama sa grupo, “Malapit ka na, malapit ka nang mahuli dahil tuloy-tuloy ang aming operasyon para kayo ay mapanagot sa batas.”
“Rest assured, we will not stop. Kung ginawa niyo ito sa Maynila, hahalughugin namin ang buong bansa,” pangako ng alkalde para mabigyan ng hustisya si Capistrano at iba pang biktima. -- FRJ GMA Integrated News

