Halos mawasak ang isang Sport Utility Vehicle (SUV) na mabilis ang takbo matapos sumalpok sa isang poste sa National Highway sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur. Ang driver ng SUV, may iniwasan umanong tricycle kaya mawalan ng kontrol sa sasakyan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa isang video na may dalawang SUV na mabilis ang takbo.

Sa bilis ng takbo, nawalan ng kontrol ang itim na SUV matapos umiwas sa sinusundang tricycle, kaya ito bumangga sa poste ng arko sa Barangay Satan.

Labis na napinsala ang kanang bahagi ng SUV sa lakas ng pagbangga.

Sinabi ng pulisya na bahagyang nasaktan ang driver at wala namang ibang nadamay sa aksidente.

Patuloy ang pag-iimbestiga ng pulisya sa insidente, habang hindi nagbigay ng pahayag ang driver ng sumalpok na SUV. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News