Dalawang bagay ang isiniwalat ni Iya Villania na hindi niya kayang gawin at isa rito ang pagpapaiyak sa mister niyang si Drew Arellano.

Sa isang episode ng programa nilang "Mars Pa More," sinabi ni Iya na kahit minsan ay hindi pa niya nagawang mapaiyak si Drew kahit pa nagalit ito.

Sabi ni LJ Reyes na guest co-host ng programa, napaiyak ni Iya si Drew noong ikasal sila na maaaring hindi lang alam ng tv-host-actress.

Pero paliwanag ni Iya, naiyak si Drew sa kasal nila dahil naalala ng "Biyahe Ni Drew" host ang ama nitong namayapa na.

Kung hindi man mapaiyak ni Iya si Drew, sinabi ni LJ na isinilang na ni Iya ang magpapaiyak sa mister, patungkol sa kanilang bunso at nag-iisang babaeng anak na si Alana.

Samantala, inamin din ni Iya ang isa pang hindi niya kayang gawin--ang umiyak sa eksena kaya hindi siya puwede sa drama.

Si LJ naman, nagkuwento kung papaano malalaman kung seryoso o nagbibiro ang kaniyang komedyanteng mister na si Paolo Contis. Panoorin.


--FRJ, GMA News