Anim na taon na mula nang mabiyudo si Albert Martinez matapos pumanaw sa sakit na cancer ang kaniyang kabiyak na si Liezl Martinez. May plano pa nga ba ang 59-anyos na batikang aktor na muling magmahal at mag-asawa?


"Right now hindi pa siguro," sabi ni Albert kay Pia Arcangel, host ng programang "Tunay Na Buhay."

"But I'm not closing my doors. If someones comes along na will make my heart happy again, why not?," patuloy niya.

Sa ngayon, nakatuon daw ang kaniyang atensiyon sa kaniyang mga anak at sa tatlo niyang apo.

Inilarawan ni Albert ang sarili bilang isang supportive at understanding na ama.

ADVERTISEMENT

"Ang role ko talaga makuha nila yung mga pangarap nila, to guide them. I was never been a strict father," saad niya."

Ayon kay Albert, nami-miss niya ang kuwentuhan at pamamasyal nilang mag-asawa.

Inihayag pa ng aktor na maituturing best story ng love story nila ni Liezl ang mala-"you and me against the world" nilang pag-iibigan.

Ipinaglaban kasi nila ni Liezl ang kanilang pagmamahalan sa kabila ng mga pagtutol noon ng iba.

"She's my best friend," patungkol ni Albert sa namayapang maybahay. "She handles everything for me. Ako, I go to work lang that's it, the rest siya na nagha-handle."

Si Liezl ay anak ng mga dati ring artista na sina Amalia Fuentes at Romeo Vasquez.

Mayroong tatlong anak sina Albert at Liezl na sina Alyanna, Alfonso, at Alyssa.

Matapos ang mahigit isang dekada, magbabalik-Kapuso si Albert via GMA AfternoonPrime series na  “Las Hermanas.”

 

--FRJ, GMA News