Sa pagbisita ni Andrea Torres sa "The Boobay and Tekla Show," tinanong ang Kapuso actress kung handa na ba siyang magmahal muli at nagbibigay ba siya ng pangalawang pagkakataon sa kaniyang ex-boyfriend?

Matapos hiwalayan nila ng kaniyang pinakahuling nobyo na si Derek Ramsay noong nakaraang taon, sinabi ni Andrea na masaya na siya ngayon.

"Siguro mga nasa 8.5," sagot ni Andrea nang tanungin kung sa bilang na 1-10 ay gaano siya kasaya ngayon.

Wala rin daw siyang selos na naramdaman nang mapabalitang mayroon nang bagong karelasyon ang kaniyang dating nobyo.

ADVERTISEMENT

Pero hindi itinanggi ng aktres na makaramdam ng sakit kapag nagwawakas ang isang relasyon.

"Kapag nagmahal ka nang totoo kasama 'yon," aniya

Nang tanungin naman si Andrea kung nagbibigay ba siyang second chance sa kaniyang mga naging "ex," hindi na, ayon sa aktres.

"Sa akin kasi ano...all out kasi ako," saad ni Andrea.

"All out ako sa relasyon so kapag dumating sa point na kumalas na,  alam ko sa sarili ko na nasagad ko na. Okey na [tama na]," paliwanag niya.

Pero handa na ba siyang magmahal na muli?

"Hindi pa. Usually kapag ganito binibigyan ko nang time yung sarili ko para maging mag-isa. Para kapag dumating yung next, all out ulit," masaya niyang sabi. --FRJ, GMA News