Nagbigay ng pahayag si Zoren Legaspi tungkol sa tambalan ng kaniyang anak na si Cassy kay JD Domagoso, na anak ni Manila Mayor Isko Moreno, sa Kapuso series na "First Yaya."

"May chemistry sila in fairness eh," sabi ni Zoren sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.

"To think pareho silang newcomer, pero kapag pinapanood ko 'yung mga school scene nila, in fairness napapa-smile ako," pag-amin ng aktor.

Ayon kay Zoren, parte ng family bonding nila ang panonood gabi-gabi ng "First Yaya," kung saan nagbibigay siya ng pointers kay Cassy para mas mapaganda pa ang pag-arte nito.

Unang drama series ni Cassy ang "First Yaya," kung saan gumaganap siya bilang anak ng presidente na karakter ni Gabby Concepsion.

Baguhan pa lamang si Cassy, pero marami nang netizens ang nakapansin sa kaniyang husay at potensyal bilang aktres.

Maraming pumuri sa Twitter sa pagganap ni Cassy, na natural ang pag-arte.

"Oh! Nakakakilig, nakakakilig po. Not only that, I'm always trending din sa Twitter which is so weird! It's so cool na every weeknight nagte-trend and nakaka-overwhelm pero at the same time I'm super motivated to go back to work sana, hopefully soon," sabi ni Cassy.

Sa likod nito, muntik na raw na hindi payagan si Cassy nina Zoren at Carmina Villarroel sa lock in taping dahil unang beses niya itong malalayo nang matagal sa kaniyang pamilya.

Naging worth it naman nang pumayag ang kaniyang mga magulang, na sobrang proud sa kaniya.

"They always congratulate me. 'Oh galing!' 'Good job!' So ako naman parang 'Wheew okay I got the approval of Ms. Carmina Villarroel and I got the approval of Mr. Zoren Legaspi. So okay na ako," ani Cassy. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News