Dahil nililimitahan pa rin ang pagpunta sa mga beach dulot ng COVID-19 pandemic, kaniya-kaniya muna ng pakulo ang ilang Kapuso stars sa kanilang mga bahay para makapag-bonding at makapagpalamig ngayong summer.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita ang pagka-enjoy ni Baby Tali, pati na rin nina Daddy Vic Sotto at Mommy Pauleen Luna ang inflatable big slide.

Nag-enjoy rin sa inflatable pool ang birthday boy na si Sixto Dantes sa pa-swimming party ng kaniyang mga magulang na sina Marian Rivera at Dingdong Dantes.

Nagsilbing bonding din sa pamilya ni Camille Prats ang swimming sa kanilang pool sa family rest house sa Batangas.

Binilhan naman ni Sanya Lopez ng regalong pool ang kaniyang pamilya at mga batang pamangkin habang marami pang revisions sa interior ng bago niyang bahay.

"Um-order ako ng pool sa bahay 'yung parang lona lang yata siya eh. Kasi may mga kids din dito. So actually binili ko 'yun for kids na mga nandito kasi lagi silang nagsasabi na 'Hindi man lang kami nakakaalis,' hindi sila nakakalabas. Para maging happy naman sila," sabi ni Sanya.

Yoga at exercise naman ang pinagkakaabalahan ni Patricia Tumulak sa kaniyang bahay habang hindi pa niya ito magagawa sa kaniyang vacation destination.

"I started reading mga self-help books that led to meditation, and then for self-control, yoga hanggang workout. Paunti-unti nagpagawa ako ng gym sa bahay para talagang full-time commitment na," sabi ni Patricia.

Ang couple na sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo, group effort ang pagme-maintain nila ng kanilang active at healthy lifestyle. -Jamil Santos/MDM, GMA News