Sa paggawa ng kasaysayan bilang unang Pinoy act na nominado sa Billboard Music Awards 2021, ang SB19 ay labis na nagpapasalamat sa mga sumuporta at naniwala sa kanila.

"Sa totoo lang po 'yun po agad ang unang pumasok sa isip ko since ito nga po ang sabi nila kami raw po 'yung unang Southeast Asian na nakapasok dito. Malaking pressure din po ito para sa amin," sabi ni SB19 member Josh sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado.

Sa dami ng pagsubok na dinaanan ng SB19, nagpapasalamat sila at hindi nila sinukuan hanggang marating ang kanilang mga pangarap.

ADVERTISEMENT

"Sobrang dami namin na hindi ine-expect na pagdadaanan before gaya nga po ng mga hindi kami sure sa path namin, muntik na kaming magkahiwa-hiwalay," ayon naman kay Justin.

Ang kanilang nominasyon ay patunay na walang imposible kung may pananalig at pagpupursigi.

Sinabi ng SB19 members na utang nila ang narating nila sa A'TIN, o ang tawag sa mga fans ng grupo.

"Para sa A'TIN, gustong gustong gusto kong magpasalamat alam niyo 'yan. Sa totoo lang hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala sa achievement nating lahat, hindi lang sa amin ito, sa ating lahat ito," sabi ni Stell.

Gumawa ng kasaysayan ang Pinoy pop group na SB19 nang maging nominado sila sa Top Social Artist category ng Billboard Music Awards 2021 kahanay ng iba pang sikat na international artists.

Ang SB19 ang unang Pinoy act na nominado sa BBMAs.

Kahanay ng grupo sa nomination ang iba pang bigating K-pop at international acts, tulad ng BTS, Blackpink, Seventeen, at si Ariana Grande. – Jamil Santos/RC, GMA News