Nag-costume bilang si Yaya Melody ang isang batang babae para sa kaniyang ika-11 kaarawan, na hango sa paborito niyang Kapuso series na "First Yaya." Ang bata, mas naging extra special pa ang kaarawan nang sorpresahin ni Sanya Lopez.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing ipinagdiwang ni Marina Jerica Soliman o Ina ang kaniyang ika-11 kaarawan nitong Lunes.

"First Yaya" ang napili niyang theme, at pinagbigyan naman si Ina ng kaniyang mga magulang.

"Dati po ang mga paborito niyang pagawaan ng costume is 'yung mga Disney princesses po. This time noong nagsabi siya sa akin ng First Yaya sabi ko 'Sure ka?' sabi niya 'Opo ma gusto ko maging Yaya Melody,'" kuwento ni Nina Soliman, ina ni Marina Soliman.

"Feel na feel ko po siya. Feel na feel ko si Yaya Melody. Parang kilala po ako ni Ate Sanya, 'yung paglaki ko magiging mabait din po ako. Paglaki ko po magiging isang katulad ko po si Ate Melody," sabi ni Ina, nang maisuot na niya ang kaniyang yaya uniform.

Dagdag pa ni Ina, "Siya 'yung nag-i-inspire sa akin kasi po dati meron akong yaya, siya lagi 'yung tumutulong sa akin."

Ayon sa kaniyang ina, talagang nakatutok si Ina sa First Yaya tuwing gabi.

"Kapag nag-start na po 'yung First Yaya, dapat bago siya mag-start naka-dinner na po kami. Tapos kapag nag-start na po 'yung First Yaya bawal na pong maingay, bawal na pong naglalaro, bawal na pong galawin siya," sabi pa ni Nina.

Kaya naman habang nagdiriwang ng kaarawan, hindi lang First Yaya uniform ang naging sorpresa ni Ina, kundi nakatanggap din siya ng video greet mula kay Sanya.

"Gusto ko pong gawin kasama si Ate Sanya, mag-Tiktok po kami, tapos ang sasabihin ko po sa kaniya 'Thank you po sa pag-video greet mo sa akin, thank you po sa lahat ng ginawa mo po para sa amin mong fans mo po. Itutuloy ko po ang aking suporta para sa'yo,’" sabi ni Ina. – Jamil Santos/RC, GMA News