Inanunsyo ni Kris Bernal na sa Setyembre nitong taon na sila ikakasal ng kaniyang fiancé na si Perry Choi, at sagot nila ang swab tests ng higit sa 100 nilang panauhin bilang pag-iingat sa COVID-19.

Sa "Mars Pa More," inilahad ni Kris na nakatakda na silang ikasal ni Perry nitong Hunyo at nakahanda na ang kanilang prenup at mga meeting sa mga supplier, pero ipinagpaliban dahil pa rin sa nararanasang pandemya.

"So ang hirap mag-book, kasi 'yung mga church puno na, and then 'yung ibang suppliers they also have their other schedules na. So talagang hirap na hirap ako na maghanap ng bagong date," sabi ni Kris.

"Actually ngayon ko lang ire-reveal na September na 'yung wedding namin. Hindi ko pa na-reveal ever kahit sa social media kung kailan talaga. Finally September na talaga," pag-anunsyo ng aktres.

Sa tuwing makikipagkita raw sila sa mga supplier, ginagastusan nina Kris at Perry pati ang pa-swab test para sa mga ito.

"And then ang hirap lang kasi lahat ng preps puro online. Magastos kasi every time may prenup kami or every time makikipag-meet kami sa supplier, lahat ng swab talaga sagot namin."

Ganoon din daw ang mangyayari sa kanilang mismong wedding.

"Kasi doon sa wedding namin hindi kasi siya intimate, hindi siya 'yung 20 lang, hindi siya 'yung 10. Pero 100 pax kasi kami. So isipin mo 100 'yung isu-swab namin and more pa. So medyo mas malaki 'yung gastos at saka mas nakaka-pagod siya ngayon," sabi ni Kris.

Gayunman, na-enjoy pa rin ni Kris ang pag-aasikaso ng plano ng kasal nila ni Perry, kahit na nagkakaiba sila minsan sa kanilang mga gustong set-up.

"Alam mo kami minsan ng fiance ko may mga nadi-discover din kami, nag-aaway kami, may hindi kami napagkakasunduan. Iba 'yung gusto ko, iba 'yung gusto niya. Ganu'n pala mag-plan ng wedding?!" anang aktres.

Na-engaged si Kris kay Perry Pebrero noong nakaraang taon.

Nagplano siya noon ng birthday surprise para kay Perry, pero siya ang higit na nasorpresa nang biglang mag-propose ang binata. – Jamil Santos/RC, GMA News