Pinarangalan ng Kapuso stars at international celebrities si Hidilyn Diaz matapos makuha ng Pinay weightlifter ang kauna-unahang gold medal ng Pilipinas sa Olympics.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang Instagram post ni Tom Rodriguez kung saan nagpasalamat ang aktor sa sikap, sakripisyo at pagpupursigi ni Hidilyn.

Proud na nag-post din si Joey de Leon ng isang throwback photo nila ni Hidilyn, kasama sina Bossing Vic Sotto at Senator Tito Sotto, nang manalo si Hidilyn ng silver sa Rio Olympics.

ADVERTISEMENT

Inihayag din nina EB Dabarkads Ryan Agoncillo at Pauleen Luna ang kanilang mga pagbati, pati na rin sina Richard Yap, NCAA Season 96 host Martin Javier, Pokwang, at Ruru Madrid.

Naging emosyonal naman si Iya Villania at hindi maka-get over kaya inihanda niya ang kaniyang barbell, at nagbirong "Hidilyn Diaz is shaking!!! Shaking her head!"

Binati rin ang Pinay weightlifter ng Kapuso beauty queens na sina Megan Young at Winwyn Marquez, habang nagpost ng mga litrato ni Hidilyn sina Julie Anne San Jose, Pancho Magno, at Yasmien Kurdi.

Ni-repost nina Gabbi Garcia, Benjamin Alves at Mavy Legaspi ang GMA News article tungkol sa panalo ni Hidilyn.

Proud din ang Filipino-American stand-up comedian na si Jo Koy kay Hidilyn at ang Lany vocalist na si Paul Klein, na pinost ang kaniyang Olympic winning moment.--Jamil Santos/FRJ, GMA News