Aminado ang bagong Kapuso na si Xian Lim na tagahanga siya ni Michael V at ng gag show na "Bubble Gang."

Kung mabibigyan ng pagkakataon, sinabi ni Xian na gusto niyanng mag-guest sa “Bubble Gang.”

Sa online interview nitong Martes, sinabi ni Xian na bata pa lang siya at nanonood na siya ng longest running gag show sa Pilipinas.

ADVERTISEMENT

“[My cousins and me], it’s our ritual to watch ‘Bubble Gang,’” ayon sa aktor. “[They] shaped our childhood na tawa lang kami nang tawa. Sila yung mga nagpasaya sa ’min nung times na ayaw namin gawin yung homework namin.”

Sabi pa ni Xian, tiyak na hindi raw siya makakatulog kapag inimbitahan na mag-guest sa programa.

Patuloy pa ni Xian, big fan din siya ni Michael V. at iba pang miyembro ng comedy show.

“I’m a huge fan of Bitoy. Naalala ko in one event, nakita ko sila and wala akong nasabi. Na-fan mode ako. Everyone else na bumubuo ng ‘Bubble Gang,’ I’m a huge fan,” pahayag niya.

Bukod sa posibilidad ng paggawa ng comedy bilang Kapuso, nais din ni Xian na magawa ang iba pang uri ng programa, makapagsulat at makapag-direk.

Bibida si Xian sa upcoming series na “Love, Die, Repeat,”  katambal si Jennylyn Mercado. – FRJ, GMA News