Ikinasal na sina Kris Bernal at Perry Choi nitong Sabado, Setyembre 25, matapos ang ilang beses na pagkakaudlot dahil sa COVID-19 pandemic.

Ginanap ang pag-iisang dibdib nina Kris at Perry sa Magallanes Church.

Suot ni Kris ang nagniningning na wedding gown habang papunta kay Perry, habang pinatutugtog ang kantang "Ikaw" ni Yeng Constantino.

Hindi mapigilang maging emosyonal ng couple sa paglakad ni Kris sa aisle.

Sinelyuhan nina Kris at Perry ang kanilang sinumpaan sa pamamagitan ng isang halik matapos ianunsyo ng pari na sila ay mag-asawa na.

Bago nito, apat na beses na raw naurong ang kasal nina Kris at Perry dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Na-engaged si Kris nang mag-propose sa kaniya si Perry Pebrero noong nakaraang taon.

Nagplano siya noon ng birthday surprise para kay Perry, pero siya ang higit na nasorpresa nang biglang mag-propose ang binata. – Jamil Santos/RC, GMA News