Ligtas na sa kritikal na lagay ang anak ni Super Tekla na si Baby Angelo matapos itong magpositibo sa COVID-19.

"The power of prayers. To God be the glory,” caption ni Tekla sa kaniyang Facebook post. “Salamat at wala na sa critical level si Angge, maayos na 'yung [paghinga] niya. In Jesus' name."

Nagpasalamat si Tekla sa mga nanalangin para sa paggaling ni Angelo, pati na rin sa mga frontliner na nag-asikaso sa sanggol.

ADVERTISEMENT

"Salamat sa inyong dasal for Angge, sobrang malaking tulong sa recovery niya. Salamat kay Princess at sa lahat ng frontliners, medical staff, doctors at buong pamunuan ng QCGH sa pag-asikaso kay Angge mabuhay po kayo," anang The Boobay and Tekla Show host.

Ang Quezon City General Hospital ang tinutukoy na ospital ng Kapuso host na kinaroroonan ng kaniyang anak.

"Si God na bahala sa 'di matawarang dedication niyo sa mga nangangailangan sa panahon ng pandemic na ito."

Paalala naman ni Tekla sa mga may anak ngayong panahong ito: "Hindi biro ang COVID, ingatan ninyo mga anak ninyo."

Matatandaang humingi ng panalangin si Super Tekla nitong Huwebes matapos magpositibo umano sa COVID-19 si Baby Angelo. – Jamil Santos/RC, GMA News