Sinagot ni Faith Da Silva ang tanong kung may nanliligaw sa kaniya ngayong lalaki na mas matanda kaysa sa kaniya.

"Walang nanliligaw, pero wala akong masabi eh... Wala lang akong masabi kung sino ang peg ko," natatawang sagot ni Faith sa "Mars Pa More."

"Abangan niyo na lang!" dagdag ng Kapuso actress.

Nauna nang inihayag ni Faith na walang kaso sa kaniya ang makipagrelasyon sa lalaking higit ang edad kaysa sa kaniya.

ADVERTISEMENT

"Para sa akin kasi mas okay if mas mature 'yung isang tao. Me personally, ayoko naman siyempre sabihin na ako, mature ako sa edad ko. Pero gusto ko kasi when I'm with someone, I learn things from them."

"And naniniwala ako na sa experience, mas marami talaga tayong matututunan. 'Yun 'yung reason why I would go for older guys," dagdag pa ni Faith.

Bago nito, may mga lumabas na usapin na nagkakamabutihan sina Faith, 20-anyos, at Albert Martinez, 60-anyos, na katambal niya sa upcoming Kapuso series na "Las Hermanas."

Ayon kay Faith, napag-usapan nila ni Albert ang naturang isyu pero hindi nila sineryoso.

"Napag-usapan namin pero in passing lang. Hindi siya yung seryosohan talaga. Parang pinagbibiru-biruan lang namin. Tuksu-tuksuhan lang," paliwanag niya.

Puro mabubuting salita naman ang binanggit ni Faith tungkol kay Albert dahil sa ginawang pag-alalay sa kaniya sa kanilang TV series.

Taong 2015 nang maging biyudo si Albert matapos pumanaw sa sakit na cancer ang kaniyang kabiyak na si Liezl Martinez. —LBG, GMA News