Nagbigay ng pahayag si Kylie Padilla tungkol sa kaniyang estranged husband na si Aljur Abrenica na nauugnay ngayon sa sexy actress na si AJ Raval.

Sa exclusive interview ng Pep.ph nitong Lunes, sinabi ni  Kylie na hangad niyang maging saya si Aljur habang ginagampanan ang tungkulin nito bilang ama sa mga anak nilang sina Alas at Axl.

“Alam niyo, gusto ko lang maging masaya siya sa buhay niya,” saad ng Kapuso actress. “Kasi, siya pa rin ang tatay ng mga anak ko. Kahati ko siya sa pagpapalaki sa kanila.”

Patuloy pa ni Kylie, “And kung nararamdaman ng mga anak ko na hindi masaya yung tatay nila, aba, hindi ko gusto 'yon. Gusto ko maramdaman nila na happy yung tatay nila.”

ADVERTISEMENT

Hindi rin umano dapat sisihin ang mga anak sa paghihiwalay ng mga magulang.

“Kasi failure namin as parents ‘yung nangyari, so kailangan na namin bumawi in some other way. Kailangan namang masaya in our own separate way,” patuloy niya.

“Para makita nila buo pa rin sila, 'kasi happy yung parents ko,' ganun pa rin sila. Gusto ko ganun sila mag-isip,” paliwanag pa ni Kylie.

Kamakailan lang, inamin ni AJ Raval, anak ng dating action star na si Jeric Raval,  na nanliligaw sa kaniya si Aljur.

Sa ulat ng Pep.ph noong nakaraang linggo, nakita umano sina AJ at Aljur na magkasama sa isang mall. Binibisita rin umano ng aktor si AJ sa bahay ng pamilya nito sa San Fernando, Pampanga.

Noong Hulyo, ang ama ni Kylie na isa ring action star na si Robin Padilla, ang nagkumpirma na ang kakalabuan na ang pagsasama ng kaniyang anak at si Aljur.

Nagsama ng 10 taon sina Kylie at Aljur, at ikinasal sila noong December 2018. —FRJ, GMA News