Kapuso pa rin sina Rodjun Cruz at John Vic de Guzman sa muli nilang pagpirma ng kontrata sa GMA Artist Center.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood ang pagbida ni Rodjun sa kaniyang dance moves sa lock-in taping man o sa bahay minsan pati sa workout, at hinatak na rin ang co-stars sa "Little Princess."

Nagpasalamat si Rodjun sa muli niyang pagpirma ng kontrata sa GMA Artist Center.

"Thankful ako sa GMA dahil lagi nila akong pinagkakatiwalaan and siyempre grateful talaga ako dahil lagi nila akong binibigyan ng opportunity para para i-showcase ang talent ko. So every project na binibigay nila sa akin madami akong natututunan," sabi ni Rodjun.

Flattered naman ang Kapuso newbie na si John Vic de Guzman sa pagbansag sa kaniya na Kapuso hottie athlete.

Bukod sa pagiging team captain ng Men's National Volleyball Team, naghahanda na rin si John Vic para sa Sea Games sa susunod na taon.

Naghahanda rin si John Vic sa upcoming roles at projects niya matapos i-renew ang kaniyang kontrata.

"As a Kapuso, mafi-feel mo na hindi ka lang basta co-artist, naging family ka na rin sa kanila," sabi ni John Vic.

"Kung magkakaroon ako ng chance na magkaroon ng leading lady, pipiliin ko si Sanya Lopez. Isa pa si Anna Vicente," sabi ni John Vic. – Jamil Santos/RC, GMA News