Nagsisimula nang makatanggap ng hate messages si Faith Da Silva dahil sa karakter niyang si Scarlet sa "Las Hermanas."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras” nitong Huwebes, sinabing pasaway at ambisyosa ang karakter ni Faith sa naturang series.

"Hindi ako naiinis sa hate comments, natutuwa nga ako kasi ibig sabihin nagwo-work kung ano 'yung ginagawa ko," reaksyon ni Faith tungkol sa mga natatanggap niyang hate comments.

ADVERTISEMENT

Nauna nang sinabi ni Faith na nakatatanggap din siya ng indecent proposals sa social media.

“Palagi akong nakaka-receive ng messages na ganyan and for them it’s normal. Ako naman, as long as alam kong wala akong mga ganyan na ginagawa, deadma lang tayo,” sabi ni Faith.

“Hindi ako nagbabasa, ’di ako nagrerespond. Pinapabayaan ko lang sila," dagdag pa niya.

Ilan sa mga mensahe ng alok na kaniyang natanggap: "I will take care of you with this amount.”

“Nangba-block lang ako ’pag grabeng negative comment na yung binibigay sa ’kin pero ako kasi, deadma ako. Wala akong pakialam sa mga sinasabi ng tao,” saad ni Faith.

Magkasama sina Martin del Rosario at Faith sa "Apoy" episode ng Wish Ko Lang kasama sina Maureen Larrazabal at Sharmaine Arnaiz. — Jamil Santos/VBL, GMA News