Kasunod ng pagpirma muli ni Barbie Forteza ng kontrata sa GMA Network, natanong din ang aktres tungkol sa estado ng relasyon nila ni Jak Roberto.

Sa panayam ng showbiz press, tinanong si Barbie kung nagpaplano na ba sila ni Jak na magpakasal.

"Kaming dalawa ni Jak, wala kaming filter kung mag-usap. Kahit ano, everything under the sun, pinag-uusapan namin. Every now and then [napag-uusapan 'yang kasal], pero wala namang seryoso pang plano," saad niya.

Natatawang pahabol ni Barbie, "Wala pa ring budget."

"Nothing final, nothing official, we're just enjoying our time together right now," aniya. "When it comes to settling down, I think mahaba-habang usapan 'yan."

Gayunman, ibinahagi ni Barbie ang mga plano nila ni Jak tulad ng pagbiyahe sa labas ng bansa tulad sa Chicago at Iceland.

Gusto rin nilang bumalik sa Japan.

Kamakailan lang, sinabi ni Barbie na hindi sila masyadong nagkakasama ngayon ni Jak dahil sa pagiging busy sa kani-kanilang proyekto.

Hindi naman napigilan ni Barbie na kiligin tungko sa pagbili ni Jak ng bahay para sa kanilang future.

Nitong nakaraang Mayo, ipinagdiwang nina Barbie at Jak ang kanilang fourth anniversary.

Nitong Huwebes, pumirma muli ng kontrata si Barbie bilang isang Kapuso, na 12 taon na niyang tahanan. — FRJ, GMA News