Tulad ng kaniyang role sa "Loving Ms. Bridgette," inilahad ni Kelvin Miranda na sa tunay na buhay ay nagkagusto siya sa isang babaeng mas matanda sa kaniya.

"Siguro mga five to six years," pagbabahagi ni Kelvin sa "Mars Pa More."

Sinabi ni Kelvin na naging crush niya ang kaniyang high school teacher.

"Noong high school. Siguro the way niyang magturo, kung paano niya ipaintindi 'yung mga bagay. Ina-admire ko siya roon," anang Kapuso actor.

Kaya naman naka-relate siya sa role niya bilang ang medical student na si Marcus, na umibig sa guidance counselor na si Bridgette de Leon, na ginampanan ni Beauty Gonzalez sa naturang drama romance anthology.

Pero paglilinaw ni Kelvin, hindi naman niya niligawan ang kaniyang Mathematics teacher.

"Hindi naman 'yung ganu'ng level na talagang minahal ko si Bridgette sa istorya. More on paghanga lang," sabi ni Kelvin.

"Nahahalata nila na kapag siya 'yung sa klase ko, sobrang ganado ako," ayon pa sa aktor. --FRJ, GMA News