Tinanong ni Rita Daniela ang kaniyang ka-love team na si Ken Chan kung na-in love ba ang aktor sa kaniya sa kanilang unang love scene.

"Na-in love ka ba sa akin noong kinunan natin 'yung first ever love scene natin nang bonggang-bongga?" tanong ni Rita sa isang recorded video para kay Ken sa "TaranTanong" segment ng programang "Mars Pa More."

Patuloy ni Rita sa recorded video, "Like kahit 30% lang? Or sige bawasan natin, 10%. Na-inlove ka ba sa akin, just for that moment where you felt na 'nothing's gonna stop me na parang kami lang 'yung nandu'n sa mundo na 'yun?'"

Sumagot naman si Ken at sinabing, "Yes, mga 70%."

Ipinaliwanag din ng aktor kung bakit 70% lang at hindi 100%.

"Hindi 100% kasi... 70% dahil hindi pa talaga ako ready pumasok sa isang relationship. Kagagaling ko lang sa isang mahabang relationship na umabot ng three years," pag-amin ng aktor.

"Na-enjoy ko 'yung single life, na-enjoy ko 'yung trabaho, na-enjoy ko 'yung circle of friends, 'yung time ko sa family ko. And ine-enjoy ko 'yung moment as until now. Ayun ang nararamdaman ko, hindi pa talaga ako ready pumasok sa isang [relationship]," dagdag ni Ken.

Bukod dito, gusto rin ni Ken na buo ang ibibigay niyang pagmamahal kapag muli na siyang papasok sa isang relasyon.

"Tsaka kilala ko 'yung sarili ko, kapag pumasok ako sa isang relationship, 100% todo-bigay. So sabi ko 'Huwag muna," ani Ken.

Huling nagsama ang tambalang RitKen sa Kapuso series na "Ang Dalawang Ikaw," kung saan gumanap si Ken bilang isang may dissociative identity disorder, na isang mental illness.

Kasama sa Metro Manila Film Festival ngayong 2021 ang pelikula nina Ken at Rita na "Huling Ulan Sa Tag-araw."

--FRJ, GMA News