Ilang araw matapos inihayag ni Alma Moreno na handa nang mag-asawa ang anak niyang si Winwyn Marquez, kinumpirma ng huli na happily in love siya ngayon.

Sa ulat ni Rachelle Siazon sa PEP.ph, sinabi ni Winwyn na non-showbiz ang kaniyang boyfriend na pinili niyang huwag munang pangalanan.

"My partner is a very private person. Iniiwasan ko talagang... siyempre there's a part of me na gusto ko sa akin lang," anang aktres. "Pero 'di ko siya tinatago. I am really in love."

Ayon pa kay Winwyn, "Pero I'm happy. Alam mo yung contentment? Nandun."

Very supportive din ang nobyo ni Winwyn sa kanyang showbiz career. Alam daw ng nobyo kung gaano siya kasaya nang pumasok sa Magic 8 ng Metro Manila Film Festival 2021 ang pelikulang "Nelia" na pinagbibidahan nila ni Raymond Bagatsing.

Samantala, hindi naman tuwirang sinagot ni Winwyn ang tanong kung buntis siya o hindi. Napabiling kasi ang pangalan niya sa mga hula ng netizens tungkol sa blind item na may buntis na aktres.

"Siyempre kung blind item, di ba, nung may nagta-tag sa akin, nakita ko puro iba-ibang pangalan din [ang binanggit]," sabi ni Winwyn.

Hindi man tuwirang sinagot ni Winwyn ang tanong, tiniyak naman niya na gagawin niya kung mayroon siyang dapat ianunsiyo.

Kamakailan lang, naging guest sa "Mars Pa More" ang ina ni Winwyn na si Alma Moreno, at natanong ang huli kung sina sa mga anak niya ang sa tingin niya ay handa nang mag-asawa.

"Winwyn!," walang pag-aalinlangang sagot ni Alma.

"Kasi si Vitto (Marquez) bata pa, si Winwyn nasa tamang edad na," paliwanag ng aktres. "Thirty na si Winwyn and ready na siya."

Nang tanungin ng host na si Camille Prats kung papunta na sa pag-aasawa si Winwyn, sinabi ni Alma na, "Basta." --FRJ, GMA News