May mga pagkakataon na hindi nasasabi ng mga anak ang nais nilang sabihin sa kanilang mga magulang. Sa programang "Mars Pa More," hindi napigilan ni Sherilyn Reyes na maluha sa mensahe ng anak niyang si Ryle Santiago.

Sa simula ng panayam nina Mars Camille Prats at Iya Villania, tinanong nila si Ryle kung ano ang madalas na sinasabi o payo sa kaniya ni Sherilyn.

Isa na rito ang tungkol sa pagbiyahe na kung minsan ay naiinis siya sa sitwasyon sa daan.

Ayon kay Ryle, laging ipinapaalala sa kaniya ng ina na "speak life, God bless, at forgive."

Paliwanag ng aktres, walang maidudulot na mabuti kung paiiralin ang init ng ulo sa daan.

"Puwede ka namang hindi magalit sa daan, choose your battle," saad niya. "Nagalit ka eh paano kung makakita ka ng katapat mo, mag-away pa kayo, patayin ka pa."

Patuloy ni Sherilyn, "Why not, Ok speak life, bless you, forgive you. Mainis ka, mainis ka na lang mag-isa."

Nilinaw naman ni Ryle na hindi naman siya nakikipag-away sa daan, sa halip ay sinasabi lang niya sa kaniyang ina kapag naiinis siya sa daan kung minsan.

Dahil nga kung minsan ay hindi nasasabi o nakakahanap ng pagkakataon ang anak na sabihin ang nais nilang sabihin sa magulang, binigyan ng pagkakataon si Ryle na sabihin kung ano ang nais niyang mensahe kay Sherilyn.

Nang madinig ng aktres ang pahayag ng anak tungkol sa kanilang sitwasyon, hindi niya napigilang maiyak. Alamin sa video ng "Mars Pa More" kung bakit.

--FRJ, GMA News